Isang karaniwang araw sa isang karaniwang unibersidad, sa isang pangkaraniwang klase, sa isang pangkaraniwang silid-aralan, bumisita ang isang Salamangkero. Salamangkero, iyon ang pagpapakilala niya sa sarili niya, pero walang sinuman sa loob ng pangkaraniwang silid-aralan ang naniwala sa kanyang pagpapakilala. Sa totoo lang, wala siyang espesyal na pisikalidad na magpapatotoong siya’y may kung anong mahika. At sa totoo lang, wala naman talagang pumapansin sa kanya, walang gustong makinig. Ang mahika’y isang malayong konsepto na para sa mga taong nasa silid, bukod pa sa nakalipas na ang maraming oras ng paglalabas-pasok sa napakaraming mga klase’t pagod na ang lahat para makinig o manood sa mga bagay na wala silang interes. Kung di pa naawa/ naintriga ang guro’y hindi na pinapasok ang bisita.
“Kumbinsihin mo kami.” Masungit ang tono ng isang estudyante. Tumango-tango ang guro’t mga kamag-aral.
Pinapikit ng salamangkero ang kanyang mga tagapanood. Pinapikit, ipinataboy ang liwanag sa mga mapanuring mata. Lumipas ang ilang segundo.
“Ngayon, kayo’y dumilat.” Malakas ang tinig-panggulat ng salamangkero. Dumilat ang lahat.
“Masdan ninyo, naglaho na mula sa mundo natin ang mga kaeskuwela ninyo.”
Tumingin-tingin sa paligid ang mga tagapanood. Pilit na tinandaan kung sino ang kanilang nasa kanan, kaliwa, harap, likod. Binalasa ng guro ang kanyang index cards, siniyasat ang listahan ng mga pangalan. Tila parang walang nawawala, parang wala namang pagbabago. Nagsisimula pa lang pumasok ang Hulyo, hindi pa kabisado ng bawat isa ang hubog ng mukha, amoy, pananalita’t porma ng kani-kanilang mga kasama. Pero nakasisiguro sila, walang sinumang kaibigan o kakilala ang nawala, walang anumang maliit na bakas ng pagbabago. Magkakasama pa rin sila’t isang malaking istorbo, isang malaking panloloko ang pag-aabang na makumbinsi ng bisitang Salamangkero.
“Nasasayang lang ang aming araw,” ang sabi ng isa.
“Walang pinag-iba sa napakaraming mga manloloko,” dagdag pa ng isa.
“Kung nagpatuloy na lang tayo sa ating leksyon, sana’y may natutunan pa tayo.”
Nauubos na ang pasensya ng mga tagapanood. Sumesenyas na sa kanyang relo ang guro. Muli, nakiusap ang salamangkero, isang sandaling pagpikit, at maipapakita niya, maipapamalas ng kanyang mahika ang totoo.
“Narito,” ang sigaw ng salamangkero pagkatapos ipabukas ang mga mata ng kanyang mga tagapanood, “narito ang inyong ama, ina, nobyo, nobya, asawa, kaibigan, kapatid, anak, narito ang lahat ng taong pinakaiingatan ninyo sa inyong mga kaloob-looban!”
Tatlong inuuod na katawan ang gumulat sa guro’t mga estudyante. Tatlong katawang batbat ng pagkaagnas. Tatlong piraso ng lamang sa pagkabulok ay wala nang pagkakakilanlan. Ang kataka-taka, walang anumang bakas ng nakasusukang alingasaw, walang tanda ng anumang baho ang mga nakatayong bangkay. Ang pagkagulat ay napalitan ng pagkainis, ng pag-uusisa.
“Aba, sino naman ang mga ito? Wala sa wangis nila ang kahit na sinong kakilala ko!”
“Walang amoy, wala na ring mata, ilong, wala nang hubog ang katawan! Baka halimaw o demonyo!”
“Oo, demonyo! Isang ilusyon! Isang panloloko!”
Biglang naglaho ang Salamangkero, kasama ng tatlong katawang inuuod. Kasabay ng kanilang pagkawala ang paglalaho ng kanilang alaala mula sa isip ng guro’t mga mag-aaral. Nagpatuloy ang klase sa kanilang leksyon, nagpatuloy sa pag-usad sa kanilang araw. Isang pangkaraniwang araw, isang mahaba, nakababagot, isang paulit-ulit na karaniwang araw. Samantala, sa isang tagong lugar sa unibersidad, nabuwal ang isang matandang puno. Walang sinumang nakarinig sa pagbagsak, walang sinumang nakakita ng pagkakalaglag.
Nakatayo ako sa sa kanto ng Kalaw Street at Taft Avenue sa Maynila. Sabi ng sobrang tingkad na sikat ng araw, baka mga alas dos na raw ng tanghali.
Naka-green ang stoplight kaya naman humaharurot ang mga jeep at FX sa kalsada. España. Quiapo. SM Manila. Nakatingin lang ako sa mga placards ng mga jeep. Di ko pa rin alam kung saan ako pupunta.
Ayaw ko pa kasing umuwi kasi masarap mamasyal. Tsaka hindi pa ako kuntento sa mga shots ko.
Galing kasi ako sa Luneta, bitbit and aking second hand SLR film camera. Naghanap ako ng subjects ng litrato para sa photography class. Maganda na pala rito, sabi ko. May Orchidarium na, na noon ay sarado pa sabi ng lalaking nagsisilbing guard at ticket vendor ng lugar. Ang huli ko kasing punta rito, di pa umaalis si Daddy para magtrabaho sa Saudi Arabia.
Tanda ko pa noon ang Japanese Garden na madalas pagpiknikan ng pamilya ko lalo na’t kakaunti lang ang lugar sa Maynila na mayroong fish pond. Dahil matamis pa rin naman sa tenga ang pangalang Japanese Garden, hinanap ko ‘to at sinubukan kong pumasok. Baka kasi makakuha ako ng matatamis rin na shots.
Nakunan ko ang isang pulubing natutulog sa isang malaking butas sa lupa na noon ay naglalaman pa ng tubig.
***
Sa isang unibersidad sa may Taft, naka-upo ako at dalawa ko pang kaibigan sa may bandang likod ng concert hall ng eskwelahan. Tutugtog kasi ang kaibigan ko na noong high school pa man ay mahilig nang magbanda.
Syempre, madilim sa kinauupuan namin, at nasisilaw lang kami sa ilaw sa entablado. Nabibingi na rin kami kasi parang hindi tinimplang mabuti ang sound system.
Pinapanood namin ang mga bandang hindi namin kilala. Ayos lang, nasabi ko. Uso naman ngayon ang mag banda–parte na yan ng kabataan. Nagsimulang tumugtog ang tatlong lalaki sa unahan –lahat sila, hanggang bewang ang haba ng buhok, at lahat sila, luwa ang mata at parang tatlong araw ng hindi pinakain ng magulang.
“Eto pong kantang ‘to ay tungkol sa bulok na sistema ng pamahalaan,” sabi ng lalaking may hawak ng mikropono.
Natuwa naman ako. “Ayos,” sabi ko sa mga kaibigan ko. Meron pa palang banda na gumagawa ng socially relevant na kanta. Tumingin sila sakin. “Ang tagal naman tumugtog nila Abu,” sabi ng kaibigan kong isa, na ang tinutukoy ay ang kaibigan kong may banda.
Maingay ang musika. Ang ingay ng gitara, ang lakas ng palo sa tambol at naguumapaw ang pagsigaw ng bokalista. Musika.
Pinakinggan ko silang mabuti, gusto ko kasi marinig yung lyrics ng kanta, kung gaano ba ‘to ka socially-related.
“…poweeerrr…. Grrraaaarrrr…”
“Huh? Ano raw?” tanong ko sa kaibigan ko. Hindi ko kasi naintindihan yung sinasabi.
“Power daw…” ang sagot ng kaibigan ko.
“…graaarrrr…. GRAAAARRR!!!!”
“POWWWEERRR!!!””
Natapos ang kanta na hindi ko pa rin nakuha kung ano ang sinasabi–o kinakanta, o baka naman isinisigaw–g bokalista. Sumakit lang yung tenga ko.
“O, Aika, nakuha mo ba yung social relevance ng kanta?” pang-aasar na tanong ng isa ko pang kaibigan.
Basta, may social relevance ang kanta nila, napagdesisyunan ko.
***
“Ako po ay iboto nyo ulit sa susunod na halalan!” sabi ng matandang lalaki sa entabladong itinayo sa Plaza. Pamilyar ang mukha, madalas ko kasi siyang nakikitang nakadikit sa pader.
Maraming tao sa plaza. Kahit na halos magha-hating gabi na, pumunta parin ang mga tao sa Miting de Avance. Marami kasing kilalang tao ang nasa entablado. May ABS-CBN pa na nagko-cover. Karamihan sa mga manonood, bitbit ang mga anak nilang maliliit. Halatang ayaw iwanan sa bahay.
“Kapag po ako ay naupo ulit sa pagiging konsehal, ipinapangako ko po na ipagpapatuloy ko ang aking nasimulan,”
Sa bandang likod, may narinig akong sumigaw “Wala parin kaming tubig!”
Nagtawanan ang mga taong Sampaloc.
***
Nagbabasa ako ng isang music magazine. Nasa cover kasi nito ang paborito kong banda.
Hindi ko alam kung naligaw lang talaga, pero may nakita akong isang painting. Maliit lang ang litrato nito sa magazine, pero nanakawin kaagad nito ang atensyon mo.
May isang lalaki na nakadilaw na may bandanang dilaw rin ang nakabalot sa ulo. Napapaligiran sya ng iba pang lalaking nakadilaw.
Nakataas ang kamay ng lalaki, waring may isinisigaw ang kanyang mga braso. Nakatikom ang kamao. Kung titignan mo ang painting, parang nakatingin ang lalaki sa’yo. Masaya ang mga tao sa paligid nya, pero ang lalaki, may itinatagong paghihirap sa mga mata. Para bang pagod na sya sa mga nagyayari sa paligid nya.
Ang pamagat ng painting? Edsa lang ba ang Pilipinas?
***
Nakita ko na namang nakatayo ang sarili ko sa kanto ng Kalaw Street at Taft Avenue sa Maynila. Kagagaling ko lang sa Orchidarium na noon ay bukas na. Ang ganda na roon. Pagbalik ng daddy ko, dadalhin ko sya sa lugar na ‘yun.
Hindi katulad ng dati, alam ko na kung saan ako pupunta sa pagkakataong ito. Nakakuha na ako ng magandang shots sa kabubukas lang na Orchidarium. Sumakay ako ng jeep at naghanda na sa biyahe.