Klasisismo - pananalig pampanitikan na pinahihigitan ang kaisipan kaysa damdamin. Ang mga tauhan ay angat sa karaniwang buhay, ang anumang bagay tungkol sa kamunduhan ay iniiwasan pagkat ang mahalaga ay ang pagiging marangal sa kilos at pananalita.
Romantisismo - higit na pinahahalagahan ang damdamin, kung gaano ang higpit ng klasisismo ay gayon ang kalayaan ng romantisismo.
Simbolismo - ito ay naglalahad ng mga bagay, damdamin at kaisipan sa pamamagitan ng mga sagisag at mga bagay na mahiwaga at metapisikal. Ang ilan sa mga sagisag ay simbolo ng patnubay sa buhay.
Realismo - naglalarawan sa paraang siyentipiko at hindi namimili ng mga bagay na nadarama at napag-uukulan ng pagmamasid, inilalarawan ang buhay sa katunayan nito at walang halong idealismo.
Naturalismo - pagsisikap na mailarawan ang kalikasan nang buong katapatan. Malimit na kasingkahulugan ng realismo. Binibigyang pansin ang kapaligirang sosyal at hindi ang indibidual na katauhan.
Ekspresyonismo - ipinahahayag ng manunulat ang kanyang kaisipan lalo na ang kanyang nadarama.
Impresyonismo - ang mga bagay na di dapat ilarawan ng masusi kundi batay sa kakintalang naiwan sa isipan ng manunulat.
Surrealismo - sinisikap na matamo sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita sa paraang salungat sa karaniwan at di karaniwan at di makatwiran.
Eksistensyalismo - hinahanapan ng katibayan ang kahalagahan ng personalidad ng tao at binibigyan halaga ang kapangyarihan ng kapasyahan laban sa katwiran.
Modernismo - ito ay tumutukoy sa isang paghihimagsik sa tradisyon, relihiyon, kaugalian at paniniwala at nagsasaad o nagpapadama upang magkaroon ng puwang ang pagbabago. Pumapalit ang bago sa luma upang lumaya ang tao sa matanda at sumisikil na batas at tuntunin, upang makasunod ang isipan at damdamin sa nagbabagong takbo ng buhay. Ang pagbabago ng kamalayan ang binibigyang diin.
dealismo - ito ay mula sa salitang "idea" ng griyego na nangangahulugan ng isang anyo o kabuuan ng isang bagay. Ito ay nagpapatunay na ang kaisipan ay nanggagaling sa isang bagay at babalik sa naturang bagay at ang isip ng isang tao ang pinakamahalaga sa buong daigdig.
Femenismo - dito nangingibabaw ang pamamaraan, kakayahan, karanasan at paniniwala at pananaw ng isa babae.
Formalistiko - natutukoy ang nilalaman, kaanyuan, o kayarian at pamamaraan ng pagkakasulat ng may-akda. Dito inilalabas ng manunulat ang pagiging masining sa paglikha ng akda.
Imahismo - ang tuon ng teoryang ito ay ang imahen ang nagbibigay kahulugan sa akda. Isinasaalang-alang ang malinaw na epekto ng nilalaman ng akda kahit ginagamitan ng di pangkaraniwang salita.
Sosyolohikal - salamin ng kaligiran ng isang tiyak na pook, kultura, tradisyon, kaugalian at paraan ng pamumuhay. Dito naniniwala ang kritiko na ang panitikan ay hindi humihiwalay sa lipunan.
Dekonstruksyon - ito ay hindi nagtataglay ng isang kahulugan lamang, masalimuot at maraming kontradiksyon na siyang nagpapakita ng mga "gaps, silences at omissions" ng teksto. Tago ang tunay na kahulugan dahil sa pinangangalagaang ideolohiya ng may-akda.