Noong unang panahon ay may mag-asawang may mabuting pagpapasunuran at pagmamahalan. Sila'y sina Adlaw at Bulan. Nagkaanak sila ng maraming bituin. Napansin ni Adlaw na lubha ng masikip sa kanilang bahay sapagkat patuloy na nag-aanak si Bulan. Kinausap ni Adlaw si Bulan at sinabi sa asawa na pagpapatayin nila ang iba nilang mga anak upang lumuwag ang kanilang tirahan.Tinutulan ni BUlan ang mungkahi ni Adlaw at ito ang naging dahilan ng mainit nilang pagkakagalit. Wala nang katahimikan sa kanilang bahay sapagkat halos araw-araw ay nag-aaway sila. Hindi na nakatiis si Bulan at ipinasya niyang makipaghiwalay sa asawa na lalo namang ikinagalit ni Adlaw. Hindi nagtagal ay pumayag na rin si Adlaw na makipaghiwalay sa kasunduang isasamang lahat ni Bulan ang mga anak na bituin at hindi na pakikita sa kanya ang mag-iina.
Kaya mula noon, makikitang nag-iisang sumusikat si Adlaw (Araw) sa araw at sa gabi naman ay lumilitaw si Bulan (Buwan) kasama ang mga anak na bituin. Kapag ang dating mag-asawa'y nagkakatagpo ay lalong tumitindi ang poot ni Adlaw kay Bulan kaya hinahabol niya ito na nagiging dahilan ng eclipse.
Sa isang nayon, ang mga tao ay masaya at masaganang namumuhay. Mapagpala ang kalikasan sa kanila. Ang pangunahing hanapbuhay nilay ay ang pangingisda. Sagana sa maraming isda ang karagata. May isang diwatang nagbabantay at nag-aalaga sa mga isda at ito'y nalalaman ng mga taganayon. Ngunit may mga taong sakim, ibig nilang makahuli ng maraming-maraming isda upang magkamal ng maraming salapi. Gumamit sila ng dinamita kaya't labis na napinsala ang mga isda, pati ang maliliit ay namatay.
Nagalit ang diwata sa kasakiman ng mga tao kaya't mula noon ay wala nang mahuli kahit na isda ang mga tao. Naghirap at nagutom ang mga tao at naging pangit na rin ang karagatan na dati'y sakdal ganda. Nagpulong ang mga taganayon at napagpasyahan nilang humingi ng tawad sa diwatang nangangalaga sa karagatan. Nakiusap din silang ibalik na ang dating ganda ng karagatan at gayundin ang mga isda. Nangako sila na hindi na gagamit ng anumang makasisira sa kalikasan.
Mula nang sila'y humingi ng tawad sa diwata ay bumalik na ang ganda ng karagatan at muling dumami ang mga isda. Nanaganang muli ang kabuhayan ng mga tao.
Ang kinagigiliwang Juan ng katagalugan ay may katumbas sa mga Maranaw - si Pilandok.
Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kanyang ginawa.
Pagklipas ng ilang araw, ang sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kanyang harap na nakasuot ng magarang kasuotan ng sultan. Nakasukbit sa kanyang baywang ang isang kumikislap na ginituang tabak.
"Hindi ba't itinapon ka na sa dagat?" nagtatakang tanong ng sultan kay Pilandok. "Siya pong tunay, mahal na Sultan," ang magalang na tugon ni Pilandok. "Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon," ang wika ng sultan.
"Hindi po ako namatay, mahal na sultan sapgkat nakita ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako'y sumapit doon. Sila po ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa lahat ng bagay?" ang paliwanag ni Pilandok. "Marahil ay nasisiraan ka ng bait," ang sabi ng ayaw maniwalang sultan. "Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat."
"Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla ay naririto ngayon at kausap ninyo," ang paliwanag ni Pilandok. "May kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po'y aalis na at marahil ay hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak." Umakmang aalis na si Pilandok.
"Hintay," sansala ng sultan kay Pilandok. "Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang sultan ng mga sultan at ang iba ko pang kamag-anak."
Tatawagin na sana ng sultan ang mga kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihangwalang dapat makaalam ng bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang ultan sa loob ng isang hawla.
"Kung gayon ay ilagay mo ko sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat," ang sabi ng sultan. "Sino po angmamumuno sa kaharian sa inyong pag-alis?" ang tanong ni Pilandok. "Kapag nalaman po ng iba ang tingkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng dagat ay magnanais silang magtungo rin doon."
Sandaling nag-isip ang sultan at nakangiting nagwika, "Gagawin kitang pansamantalang sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin." "Hintay, mahal na Sultan," ang pigil ni Pilandok. "Hindi po ito dapat mlaman ng inyong mga ministro."
"Ano ang nararapat kong gawin?" ang usisa ng sultan. "Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta't ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong korona, singsing at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong kabig ay susundin nila ako," ang tugon ni Pilandok.
Pumayag naman ang sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging sultan.
Isang araw si Juan ay inutusan ng kanyang inang si Aling Maria. "Juan, pumunta ka sa palengke at bumili ng mga alimangong maiuulam natin sa pananghalian. "Binigyan ng ina si Juan ng pera at pinagsabihang lumakad na nang hindi tanghaliin.
Nang makita si Juan sa palengke ay lumapit siya sa isang tinderang may tindang mga alimango at nakiusap na ipili siya ng matataba. Binayaran ni Juan ang alimango at nagpasalamat sa tindera.
Umuwi na si Juan ngunit dahil matindi ang sikat ng araw at may kalayuan din ang bahay nina Juan sa palengke ay naisipan ni Juan na magpahinga sa ilalim ng isang punungkahoy na may malalabay na sanga. Naisip niyang naghihintay sa kanya ang ina kaya't naipasya niyang paunahin nang pauwiin ang mga alimango. "Mauna na kayong umuwi, magpapahinga muna ako, ituturo ko sa inyo ang aming bahay. Lumakad na kayo at pagdating sa ikapitong kanto ay lumiko kayo sa kanan, ang unang bahay sa gawing kaliwa ang bahay namin. Sige, lakad na kayo."
Kinalagan ni Juan ang mga tali ng mga alimango at pinabayaan nang magsilakad ang mga iyon. Pagkatapos ay humilig na sa katawan ng puno. Dahil sa malakas ang hangin ay nakatulog si Juan. Bandang hapon na nang magising si Juan. Nag-inat at tinatamad na tumayo. Naramdaman niyang kumakalam ang knyang sikmura. Nagmamadali nang umuwi si Juan. Malayu-layo pa siya ay natanaw na niya ang kanyang ina na naghihintay sa may puno ng kanilang hagdan. Agad na sinalubong ni Aling Maria ang anak pagpasok nito sa tarangkahan. "Juan, bakit ngayon ka lang umuwi, nasaan ang mga alimango?" "Bakit po? Hindi pa po ba umuuwi?" Nagulat ang ina sa sagot ni Juan. "Juan, ano ang ibig mong sabihin?" Nanay, kaninag umaga ko pa po pinauwi ang mga alimango. Akala ko po ay narito na."
"Juan, paanong makauuwi rito ang mga alimango? Walang isip ang mga iyon." Hindi naunawaan agad ni Juan ang paliwanag ng ina. Takang-taka siya kung bakit hindi nakauwi ang mga alimango. Sa patuloy na pagpapaliwanag ng ina ang mga alimango ay hindi katulad ng mga tao na may isip ay pagpapaliwanag ni Juan na mali nga ang ginawa niyang pagpapauwi sa mga alimango.